Paglalakbay ni Blu

2007 139Dumating ako sa Italya noong Disyembre ng 2007 upang gampanan ang iniatas akin na bagong tungkulin. Sa loob ng mga panahong aking inilagi sa bansang ito, nalakbay ko ang mga bansa sa Amerika (hilaga at kanluran), Asya, Europa at Australia.

Sa isang hungkag na katotohan, ito ay isang lakbay na nagbigay sa akin ng mga bagong kaalaman at kamalayan sa pakikisalamuha ko sa mga  iba’t-ibang tao at mga kultura. Mga nakagisnang gawi na aking natuklasan ay siyang naging susi upang balikan muli ang aking pinagmulan. Isang pagbabalangkas na pumukaw sa aking diwang makabayan.

Pero higit sa lahat, ito ang kuwento ng paklalakbay sa aking buhay. Kaniig nito ang misteryo ng tuwa at hapis, ng paghahanap sa aking sarili sa pamamagitan ng mga siwang ng dingding at bintana ng buhay ng mga taong aking nakadaupang-palad.

Hanggang kailan pa kaya ako maglalakbay? Hanggang saang hangganan pa kaya ako ilalakbay ng aking mga paa at kamalayan?

Hindi lahat ng ating lakbayin ay naaabot ng ating mga paa. May mas matining lakbayin na kung saan walang balakid sa paglalakbay. Imahinasyon. Dito pwede kang maglakbay ng libre. Walang bayad at walang hangganan ang pwede mong abutin,

Tara na! Lakbayin natin ang mundo ng imahinasyon. Ang buhay ay isang paglalakbay.
Tanging kamatayan lamang ang maghuhudyat ng wakas nitong taglay.

Posted in biyahe, blu, buhay | Mga Puna

Tambay Mode

Mahirap, masarap ang buhay tambay.
Nasubukan mo na bang humilata maghapon.
Pagulong-gulong sa himlayan ng walang bukas.

Marami sa atin nais ang ganitong buhay,
Walang alalahanin at mga dalahin.
Astig nga ang tawag dun.
Pagulong-gulong sa himlayan ng walang bukas.

Bakit naman kailangang kumplikado ang buhay
Kung pwede namang simple at hungkag sa kamalayan.
Ako nga nasabi ko na rin ito minsan.
Pagulong-gulong sa himlayan ng walang bukas.

Parang facebook lang madalas
Ang bilis ng palitan ng status
Ang sarap namnamin ang tambayan ng bayan.
Pagulong-gulong sa himlayan ng walang bukas.

Ikaw!
Ako ba?
Bakit meron pa bang iba?
Ikaw nga!
Tantanan mo na ang walang kapararakang
Pagtatambay sa tambayan ng bayan.
Pagulong-gulong sa himlayan ng walang bukas.

Tara na at mamasyal
Sa tambayan ng mga buhay
Dito kahit maghapon at magdamag ang tambayan
Kausap mo naman ay mga nilalang na buhay ang kamalayan.

20130517-180506.jpg

Posted in Uncategorized | Tagged , , | Mag-iwan ng puna

SAYAW SA TAG-ULAN

Mabelyn S. De Dios. Ito ang nakasulat sa application form na hawak-hawak ko. Imposible ito.  Pero habang isa-isa kong binabasa ang mga information, tugmang –tugma ito sa isang kakilala ko matagal nang panahon ang nakakalipas. Hmmm…ang lalim ng aking buntong-hininga habang pinagmamasdan ko ang info sheet na hawak ko. Imposible talaga. Thirty years….thirty long years.

Ferdie! Hoy! Ferdie, halika ka silong ka sa payong ko. Madilim na kalangitan. Unti-unting pumapatak ang ulan. Eh, di nakisilong, kaw ba naman ang tawagin ng crush mo.Magiging choosy pa ba ako? Kilig much talaga. Kabog, ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Hiyang-hiya nga ako, pakiwari ko dinig na dinig nya ang kalabog ng puso ko. Hmm, ganun pala sya kabango sa malapitan. Winner to! Para akong nanalo sa sweepstakes. Lakad, minsan bumibilis, minsan mahina. Ewan ko ba, wish ko sana mahaba pa ang daan pauwi.

Image

Ano ba yan, pre…takna ka ng tokneneng! Ito ang bulalas ni Angelo. Bestfriend ko since elementary. Wala ka man lang nasabi..e yun na yun oh!..kayo…kayong dalawa lang sa iisang payong, wala ka man lang nasabi? Eh, sa naunahan ako ng kaba eh. Bestfriend naman, opportunity na yun oh, pinalagpas mo pa. Next time, hayaan mo maghahanda na ako.

Next time ba kamo? Wala. Kasi simula na ng summer. Ewan ko ba, buong summer naman na nagningning ang haring araw. Walang ulan, walang sukob-sukob sa payong. Uso ang tuli pag summer, kaya hayun nagkayayaan kaming magpipinsan. Dalawang linggo rin akong natigil sa bahay. Isang araw napadaan si crush ko, Hoy Ferdie, maliligo kami sa ilog, sama ka? Eh, kasi..Anong kasi, halika ka na! Di pwede! Sayang ….hays, sayang talaga! Gabi-gabi di makatulog ng maigi, noong una akala ko dahil sa maalinsangan na panahon, pero ang totoo sa kakaisip kay Maybelyn. Insan,…ano yan? Tanong ni Bert. Yaaks! Tagyawat sa ilong! Ows…umiibig na sya. Sabay halakhak na nang-aalaska! Na conscious tuloy ako. Dumaan pa ang isang araw, waah…pulang-pula na sya at ang laki. Ferdie! Ferdie! Boses ni Maybelyn. Pupunta kami sa ilog, sama ka? Sumagot akong patago. Hindi pwede! Ano , hindi na naman pwede? At bakit nagtatago ka, ha? Basta hindi pwede ngayon.

Mabilis na lumipas ang summer. Umpisa na naman ng tag-ulan. Sa iskul namin kanina pa ako nagmamasid, pawang may hinihintay. Ah, baka absent lang nawari ko. Second, third day…natapos ang linggo walang Maybelyn. Pre,….pre…sambit ni Angelo. Kasi sina Maybelyn lumipat na pala sa Maynila. Parang sasabog ang puso ko sa aking narinig. Di ko alam kung sasabog nga talaga. Pero sa sa pakiwari ko hindi ako makahinga. Patakbo kung tinungo ang kanilang bahay. Kasabay naman noon ang pagbuhos ng malakas na ulan. Lakad, takbo, lakad ulit…sa gitna ng ulan. Di ko antala ang lakas ng ulan. Ni hindi ko napansin ang pag-agos ng aking luha.Wala na akong susukubang payong. Wala na si Maybelyn. Unang ranas ng hapdi dahil sa ngalan ng walang kamuwang-muwang na pag-ibig. Natanong ko lang noon kung bakit may mga bagay na kailangang magtapos na hindi man lamang lubusang nakaniig at samsamin ang tamis nito. Para bagang sayaw na kung saan unti-unti mo nang nasasabayan at  siya naman natatapos ang saliw ng tugtog nito. Ulan! Bakit kung kalian ka pumapatak, sabay namang pumapatak ang luha ng dalamhati.Minsan nasabi ko sa aking sarili sana di ka na lang papatak muli.

Twenty five years old na ako ngayon. Binata pa rin  Correction Single for life. Congratulations, Pare! Ito nga pala misis ko si Anabel, at ang anak naming si Mardel. Say hello to your tito. Ikaw kailan ka naman mag-aasawa? Sabay tawa! Itong besfriend kong si Angelo alaskador pa rin. Ngayon pa! Hindi na noh, sagot ko naman sa kanya. Di ba si Sir Marco, yun…para naman hindi tumanda. Engr.  Mariliza de Guzman, oo ako nga si Isay Santos, De Guzman na ngayon. Salamat po Mang Andres at nakarating kayo. Si Mang Andres dating dyanitor namin sa highschool. Napagod ako sa maghapong iyon. Ang daming bisitang dumating. Mag-aalas otso na ng gabi ng huling umalis ang mga bisitang kamag-anak. Pagkasara ko ng pintuan ay siya namang buhos ng malakas na ulan. Isang kabanata na naman ang muling nabuksan sa landasin ng aking buhay. Kasabay ng pagpatak ng ulan, nasambit ko sa aking sarili, this time around di na luha ng pighati, datapwat merong sense of fulfillment at contentment. Hindi naman pala na sa bawat pagpatak ng ulan kalungkutan ang dala. Kailangan lang sigurong marunong kang makisayaw sa bawat saliw ng  musika nitong dala sa iyong buhay.

Good morning, Sir! I’m Maybelyn S. De Dios. Ferdie? Ferdie delos Santos? Yes, I am Father Ferdie delos Santos. Matagal kaming nag-usap. Pero minsan wala akong nauunawaan sa kanyang sinasabi. . Pilit kung ninanamnam ang halimuyak na hatid ng muling pagtatagpo. Lumilipad ang aking diwa at kaisipan. Ang unang pagsukob sa ulan. Ang bilis ng kabog na aking nararamdaman ng mga panahong iyon. Ang tagyawat sa ilong. Ang alaala ng kahapon, yun ang muling nabuksan at nilakbay ng aking diwa. Ang tagal kitang hinintay at hinanap. Sa mahabang panahon na ginugol ko sa Maynila, nagbakasakali akong isang araw ay makita kitang muli. Bawat tag-ulan. Bawat may magkasintahang magkasukob sa iisang payong, dasal ko parati sa Diyos na sana tayo ang magkasukob.

Father Ferdie?…Ok lang kayo? Hmmm, yes. Pagod lang siguro ako. Miss De Dios, pakiproceed na lang sa HR Department. And by the way, congratulations, magsisimula ka na this school year at our Cebu branch as per your request. Pakikamusta na lang ako sa family mo, at saka …ano nga pala name ng son mo? Ferdie…yun ang name nya…pinangalan  ko yun sa isang taong minsan kung minahal. Hindi ko na naramdaman ang pagpinid ng pintuan ng aking opisina. Malayo ang aking tingin, para bang may hinahanap ako sa nakaraan ng aking buhay.Pilit may binabalikan Saan ba ako nagkulang? Hinanap kita. Parang eksena lang sa pelikula. Pag andon ako sa eksena wala ka, pag nandon ka naman ako naman ang wala. O  sadyang ang tadhana ang syang nagbadya ng ating kapalaran. Bumuhos na naman ang ulan. Malakas na malakas ito. Kasabay nito ang pag-agos ng aking luha. Bakit tuwing umuulan, pinupukaw nito ang mga alaala ng nakaraan? Di ba sya pwedeng umulan na lang na walang sinasagasaang dahilan.

2013. Malayo na ako sa Pilipinas. Bagong assignment, bagong buhay, bagong panimula. Kahit dito sa malayong lugar umuulan pa rin, kasabay ang pagpukaw nito sa mga  alaala ng aking nakaraan. Ngayon ko lang napagtanto: My first love was meant to be my only and last love. Hays! Kilig much?  Nope, this time around, thankful, kasi minsan dumating ang pag-ibig , este ang sinaunang pag-ibig ng buhay ko.. Habang sinusulat ko ito humihigop ako ng mainit na kape sa saliw ng awitin ni Aiza Seguera..entaytol, Anong nangyari sa ating dalawa? Umuulan na naman. Sana naman walang basagan ng trip. Sige na,  bumalik ka na lang bukas Mister Ulan. Please!

Posted in Uncategorized | Tagged , , , | Mga Puna

Nang magbitiw si Benito

Parang bulalakaw na pumaimbulog
Ang balitang pagbibitiw ni Benito.
Dumungaw na naman ang mga usiserang palaka
Sa lansangan at plasa ng Vaticano.
Di nga’t ba nag trending pa ito sa blogosperyo?

Anong meron, bakit at hinagpis
Mga matang nagtatanong ito ang mga kawangis
Na aking nasaksihan sa aking paggalugad ng mga
Palengke, sakayan at parlor ni ditseng manggugupit!

Bakit? Ano na lang ang sasabihin ng madlang pipol
Sa usaping nagpapintig muli ng damdaming di masupil?
Pati ang bangayan sa pultika ay waring cease fire ang naging ending.
Mga teleserye ay bahagyang naabala ang mga ere,
Dahil sa balitang lumipad ng walang pasabi.

Sari-saring kuro-kuro
Hanggang ngayon ay nasa tweeter
Pati facebook ko inulan ng sangkaterbang likes at mga comment.
Saan mang social media ito ang usapin..
Bakit nga kayang itong si Benito nagpasyang lisanin
Ang tahanang naging kanlungan ng kanyang talino, tapang at giting.

Mga kaibigang sa usaping itong ating narinig
Kayo na ang humatol na matuwid
Tama nga kaya ang pasyang nasambit
Nitong si Benitong ating kinakalabit.

20130211-233227.jpg

20130211-233531.jpg

Posted in Uncategorized | Tagged , | 1 Puna

Simula ng isang Wakas

20130114-113546.jpg

Hindi lahat ng pagtatapos ay tinutuldukan,
Ang iba nagbabadya ng isang panibagong simula.

Sa bawat pagpinid ng bintana ng buhay,
Muling nakakalas ang sumpa ng nakaraan.

Ang wakas ay panimula,
ang panimula ay hudyat ng isang wakas.

Ang hikbi ng isang bagong silang na sanggol,
Ay simula ng bilang ng kanyang paghimlay sa dahit hapon ng buhay.

Kung ang bawat paghinga ay tanda ng isang dugtong buhay,
Ang huling akda nito ay simula ng bagong pagkakuwan.

Ang buhay ay isang misteryo,
Ang misteryo ay isang buhay na alaala ng isang kamalayan.

Saan ba dapat ang isang simula?
Kung ito rin ay isang wakas?

Posted in biyahe, blu, buhay, tula, Uncategorized | Tagged | Mga Puna

Pagkatapos ng Pasko

Isa sa mga araw na darating muli na naman nating ititiklop ang ating krismas tree.
Tatanggalin ang mga nakasabit ng mga parol at palamuti.
Hihinto naman naman ang pagpapatugtog ng krismas carols.
Itatago na naman ang mga naglalakihang belen.
Balik diet na naman ang lahat.
Wala nang mga exchange gifts.
Tapos na rin ang walang tigitl na partee partee.
Balik trabaho at kudkod na naman ang peg natin.
Kung paanong mabusisi at matagal nating pinaghandaan ang Pasko,
Ganun din kabilis natapos ang ito.

Pagkatapos ng Pasko ano na?

20130102-112253.jpg

Posted in blu, pasko, Uncategorized | Mag-iwan ng puna

Lakbay: Tatlong libo at labindalawa

courtesy of: ilgallo.t

Minsan ko nang binalikan ang landasin ng aking kamusmusan

at muling pagmasdan ang kumpas  ng mga dahon  sa saliw ng hanging amihan

doon sa bukirin ng aking kabataan

mga huni at pagaspas ng mga  ibong naglalayag

ang masasayang napapakinggan sa buong magdamag.

Sa banda pa roon lagaslas naman ng tubig-talon ang maaninagan

animo’y musikang sinulat ng mga diwata ng kalikasan

Mga batang nagtatampisaw sa batis ng ligaya’t walang-hangang tuwa

parang ang kinabukasan nila’y di alintana.

ang payapang daloy ng ilog sa dulo ng luntiang sakahan

ang tanging naging saksi ng  sumpaan nang magsing-irog magpasawalang-hanggan.

Pagsapit ng dilim

mga bituing kumukutitap na pinaghabi ni Bathala

ang mga tanging saksi ng bawat pangarap.

At sa pagkahimlay sa dilim ng gabi

tanging ang liwanag ng buwan ang siyang naghehele

sa pagal na katawan ng bawat nilkha.

Malayo na nga ang aking nilakbay.

sa aking bagong mundo

wala na ni anino ng mga ito.

binalot na ng pagbabago ang

ang kapaligiran ko.

wala nang mga nagtatampisaw

wala na ang matitining na halakhak ng kamusmusan

wala nang kaulayaw sa dilim ng gabi

wala nang kumukutitap at naghahabi

wala nang pagaspas

wala nang simoy ng hanging laganap

wala na ang lahat

kundi mga alaala nakalipas.

BLU

courtesy of: vimeo.com

Planet Mars. October 10, 3012.

Sandali po nating pinuputol ang balitang ito

at talakayin ang mga panibagong tuklas na nagmula sa planeta ng mga lahing-tao.

isang time capsule ang natagpuan at

naglalarawan ito ng mga huling kaganapan  sa planetang nabanggit.

isa na naman itong “milestone find of the new century.”

ang aking lahok sa Saranggola Blogawards IV

http://www.saranggolablogawards.com

Posted in Uncategorized | 1 Puna

blu work mode!

ha!anokahilo.anghirapmagworksaganitongkainitnaweather.patititiknagdidikit-dikit.isamamonaangmindko.windangnaakosakakatikladokaninapa.patience.patience.thatiswhatineednow!howcomemahirapgumanaangbrainpagganitongsobraanghotngpanahon.taranangmaligosadagatestesailogngpawis.mismo.ilogngpawissarapmagtampisawsabayhgiopnghangingalingsaelectricfan.hahaha.asakapa!kawnaangnaritosaYuropa.climatechangedaw.kayakayodyanwagmak-aksayangpapelattubig.isangarawmagigisingnalangtayonadinausoangwater.bodyspraynalangnapurohangin!walangmagawpokayahetonagiinartesabolgosperyo.ikawanogawamotoday.istambay.dyankamagaling.tagapldtkaba.bakit?walaparatikakasingtambaysabahaynyoeh!boom!Osyababayna.walangkwentanamanitongpostkotoday.ahbakitbinasamo?

 

Posted in Uncategorized | Mga Puna

Bluwan

Buwan na kulay blu.
Ito ang naaaninag ko gabing kulimlim.
Bighani ang pang-akit na ningning nito.
Sa magkakambal na talukap aking namamasdan
Ang misteryong dala nito.

O! Bluwan,
Ang sinag mo ang aking karamay
Bilugang hugis na walang kawangis,
Hatid ang pag-asang walang magpasawalang hanggan!

20120717-110329.jpg

Posted in Uncategorized | Mag-iwan ng puna

Blu lazy Afternoon

20120625-174410.jpg

Isang hapong maalinsangan ang panahon.
Tagaktak ang pawis.
Nakatanaw sa nakaawang na bintana ng kamusmusan.

Minsan pa.
Isang sulyap sa orasan ng nakaraang tagsibol.
Sanga-sangang kamalayan.

Buntong- hininga ng pagkamulat.
Walang patutunguhan.
Iduyan na lang uyayi ng pangarap.

Posted in Uncategorized | Mag-iwan ng puna